Valdez, bagunas pasok sa SEAG pool
MANILA, Philippines — Pamumunuan nina volleyball stars Alyssa Valdez at Bryan Bagunas ang national pool para sa 32nd Southeast Asian Games na papalo sa Mayo sa Cambodia.
Sa kabila ng injury, isa si Valdez sa mga isinama sa pool sa women’s division na magtatangkang makabalik sa podium sa SEA Games.
Kasama ni Valdez ang Creamline Cool Smashers teammates nitong sina Jia Morado-De Guzman, Diana Mae Carlos, Celine Domingo, Kyla Atienza at Jema Galanza.
Pasok din sina Kat Tolentino at Chery Nunag ng Choco Mucho, Gel Cayuna ng Cignal, Mylene Paat ng Chery Tiggo, MJ Philips ng Petro Gazz, Kath Arado, Mika Reyes, Dell Palomata at Jules Samonte ng PLDT at sina Lea Pelega at Risa Nogales.
Hahawakan ang tropa ni Brazilian mentor Jorge Edson Souza de Brito.
Sa men’s division, muling mamanduhan ni Bagunas ang koponan kasama si national team outside hitter Marck Espejo ng Cignal.
Aariba rin sina JP Bugaoan at Manuel Sumanguid III ng Cignal, Ish Polvorosa at Kim Malabunga ng Imus, Kim Dayandante at Jao Umandal ng Cotabato, Noel Kampton ng La Salle, Jay dela Noche ng UST, at sina Michaelo Buddin, Jann Sumagui, Rwenzel Taguibolos, Leo Ordiales at Joseph Bello ng National University.
Kasama pa sina D’ Navigators Iloilo star Jade Disquitado at sina Vince Mangulabnan, Vince Lorenzo at Chumason Njigha.
Mamanduhan naman ni interim coach Odjie Mamon ang men’s team.
Magsisilbi lamang na coach si Mamon hanggang sa Mayo 31 dahil magiging head coach ng men’s team si Brazilian mentor Sergio Veloso simula sa Hunyo.
Ibinaba bilang head coach si Dante Alinsunurin na kasalukuyang head coach ng Choco Mucho sa Premier Volleyball League at ng NU sa UAAP.
- Latest