2024 Paris Games magiging memorable sa Philippines
MANILA, Philippines — Magiging memorable ang pagsabak ng Team Philippines sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Ito ay dahil magdiriwang ang Pilipinas ng ika-100 anibersaryo ng partisipasyon nito sa Olympic Games.
Matatandaang unang lumahok ang Pilipinas sa Olympics noong 1924 na parehong ginanap sa Paris.
Isang atleta lamang ang ipinadala ng Pilipinas noong 1924 Paris Games sa ngalan ni David Nepomuceno na lumahok sa 100m at 200m dash sa athletics competition.
Kaya naman ginagawa ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang lahat upang maging maganda ang kampanya ng Team Phi-lippines sa Paris Games.
“It’s a century of Filipino athletes’ campaign in the Olympics,” ani Tolentino.
Pormal nang nakipagkasundo si Tolentino sa ilang opisyales sa France para sa paggamit ng Team Philippines sa Academos Sports Center sa Moselle sa City of Metz bilang pre-Olympic training venue.
“Hidilyn Diaz-Naranjo won for the country its first Olympic gold medal in Tokyo, and that was historic. But how about a more historic centennial Olympic campaign?” ani Tolentino.
Sa kabuuan, may 14 medalya ang Pilipinas sa Olympic Games.
Pinakamaningning ang kampanya nito sa Tokyo Olympics kung saan nasikwat ni Diaz ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas.
Bukod pa rito ang dalawang pilak at isang tanso.
Sa pirmahan ng memorandum of agreement, nakasama ni Tolentino ang mga opisyales ng City of Metz sa pangunguna ni La Moselle President Patrick Weiten.
Ipinalabas sa ilang French media ang naturang seremonya.
Kasama rin ang video clip ni Diaz nang manalo ito ng ginto sa Tokyo Olympics gayundin ang panalo nina boxing silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze medalist Eumir Felix Marcial.
- Latest