Bolts nayanig sa Dyip

MANILA, Philippines — Nag-apoy si Juami Tiongson upang buhatin sa malaking 96-88 silat na tagumpay ang Terrafirma kontra sa Meralco sa 2022-2023 PBA Governors’ Cup kagabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Tumikada ng 30 puntos tampok ang anim na tres ang ace guard sahog pa ang 3 rebounds, 3 assists at 1 steal sa 32 minutong aksyon para sa unang panalo ng Dyip sa season-ending conference.
Umakbay sa kanya ang import na si Jordan Williams na may kumpletong 29 markers, 8 rebounds, 3 dimes at 5 steals matapos magliyab ng 46 puntos sa kanyang debut kontra sa Converge.
Kinapos ang Dyip noon kontra sa FiberXers, 115-130, pero sinigurong makabawi nang malupit laban sa mainit na Bolts para sa kanilang 1-1 kartada sa likod ng balanseng atake.
“Parang hindi import si Jordan kasi he’s soft spoken and down to earth. Sa pangalan niya, he plays like Jordan. Magaling talaga at hindi swapang na import so sabi ko sa locals, be ready and it happened today,” ani coach Johnedel Cardel.
Tumulong kina Tiongson at Williams si Eric Camson na may double-double na 13 markers at 10 boards habang sumuporta rin ang beteranong si Alex Cabagnot sa kanilang opensa sa nailistang 8 puntos at 7 assists sahog pa ang 2 rebounds at 2 steals.
Matapos ang dikitang laban sa halftime, bahagyang umarangkada ang Dyip sa 72-65 sa third quarter bago tuluyang idikdik ang Bolts sakay ng 14-4 ratsada para makapagtayo ng komportableng 86-69 abante.
Hindi na bumitaw pa ang Terrafirma tungo sa tuluyang pagpapatahimik sa Meralco na nalasap ang unang kabiguan sa 2-1 baraha matapos ang panalo kontra sa Rain or Shine, 105-87, at Northport, 107-102.
Napurnada ang 29 puntos, 19 rebounds, 4 assists, 2 steals at 2 blocks ni import KJ McDaniels para sa Bolts.
- Latest