MANILA, Philippines — Desidido ang De La Salle University na makabawi sa susunod na season ng UAAP men’s basketball tournament.
Kaya naman hindi lamang lineup nito ang pinapalakas ng pamunuan ng Taft-based squad maging ang coaching staff nito na hahawak sa programa ng Green Archers.
Hinugot ng La Salle si veteran mentor Caloy Garcia para maging assistant coach.
Kamakailan lamang ay pinangalanan si Topex Robinson bilang head coach ng Green Archers.
Masaya si Garcia sa tiwalang ibinigay sa kanya ng pamunuan ng La Salle na itinuturing nitong isa sa pinakamagandang organisasyon sa liga.
Personal na nitong nakasalamuha ang mga players ng La Salle sa kanilang regular training session.
Umaasa ang La Salle na madadala ni Garcia ang malalim nitong coaching experience sa Green Archers.
Bahagi si Garcia ng coaching staff ng Rain or Shine sa PBA.
Nilinaw ni Garcia na nagpaalam muna ito kina Rain or Shine team owner Raymond Yu at head coach Yeng Guiao para sa magiging schedule dahil mahahati ang oras nito sa Elasto Painters at Green Archers.
Magiging prayoridad ni Garcia ang Rain or Shine sakaling magkaroon ng sabay na schedule sa PBA at UAAP.
“Maayos naman akong nagpaalam sa Rain or Shine especially sa schedules dahil may mga pagkakataon na sabay ang PBA at UAAP,” ani Garcia.