BOSTON — Nagpasabog si Jayson Tatum ng 34 points bukod sa career-high na 19 rebounds para akayin ang Celtics sa 121-118 overtime win sa nagdedepensang Golden State Warriors sa kanilang finals rematch.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 16 points, kasama ang isang three-pointer sa huling 19 segundo sa regulation na nagdala sa Boston (34-12) sa extra period.
Binanderahan ni Stephen Curry ang Golden State (22-23) sa kanyang 29 points, habang may tig-24 markers sina Jordan Poole at Klay Thompson.
Tinapos ng Celtics ang kanilang four-game losing skid sa Warriors kasama ang tatlo sa nakaraang NBA Finals at ang una sa regular-season rematch noong Disyembre.
Iniskor ng Boston ang unang apat na puntos sa extension kasunod ang dalawang free throws ni Draymond Green at triple ni Curry para sa 111-110 abante ng Golden State.
Ang floater ni Brown at tres nina Al Horford at Tatum ang naglayo sa Celtics sa 118-111 sa huling 1:26.
Nakadikit naman ang Warriors sa 118-121 bago malasin si Poole sa kanyang half-court shot.
Sa Phoenix, tumipa si Mikal Bridges ng 28 points para igiya ang Suns (22-24) sa 117-112 panalo sa Brooklyn Nets (27-17).
Sa Portland, humakot si star center Joel Embiid ng 32 points para sa 105-95 pagsagasa ng Philadelphia 76ers (29-16) sa Trail Blazers (21-24).
Sa Minneapolis, hinugot ni D’Angelo Russell ang 16 sa kanyang 25 points sa fourth quarter sa 128-126 pagtakas ng Minnesota Timberwolves (23-24) sa Toronto Raptors (20-26).
Sa Paris, nagsalpak si Zach LaVine ng 30 points para pamunuan ang Chicago Bulls (21-24) sa 126-108 paggupo sa Detroit Pistons (12-36).