Altas malinis pa rin sa NCAA beach volley
MANILA, Philippines — Hindi maawat ang University of Perpetual Help System Dalta na nanatiling malinis ang rekord sa NCAA Season 98 Men’s Beach Volleyball Tournament na ginaganap sa Subic, Zambales.
Pinataob ng Perpetual Help spikers na sina Louie Ramirez at Jefferson Marapoc sina Ralph Pitogo at Joshua Ramilo ng Emilio Aguinaldo College, 21-15, 21-14.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Altas para manatiling malinis ang rekord nito at kapitan ang solong pamumuno.
Nasa ikalawang puwesto ang Arellano University hawak ang 5-1 kartada habang nahulog sa ikatlo ang Emilio Aguinaldo na may 4-1 baraha.
Tinalo nina Adrian Villados at Clarence Guinto ng Arellano sina Deon Colorado at Vergel Golloso ng Lyceum of the Philippines University sa iskor na 21-11, 21-18.
Nanaig din sina Villados at Guinto kina Reggie Quilban at Janer Prado ng Jose Rizal University, 21-11, 21-16.
Nalusutan naman ng San Beda University ang College of Saint Benilde sa pamamagitan ng pukpukang 14-21, 21-17, 15-11 come-from-behind win para umangat sa 4-2 marka.
Sa iba pang resulta, nanalo ang San Sebastian College-Recoletos sa Colegio de San Juan de Letran, 21-11, 21-10.
- Latest