Tagay Ginebra!
Hari ng PBA commissioner’s cup
MANILA, Philippines — Kagaya ng sinabi ni coach Tim Cone, gusto nilang manalo para sa mga Barangay Ginebra fans.
Humakot si Best Import Justin Brownlee ng 34 points para pamunuan ang Gin Kings sa 114-99 pagmasaker sa guest team na Bay Area Dragons sa Game Seven at pagharian ang 2022-2023 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Naglista rin si Brownlee ng 12 rebounds, 6 assists at 3 blocks sa pagtiklop ng Ginebra sa kanilang best-of-seven championship series ng Bay Area sa 4-3 para angkinin ang ika-15 korona sa harap ng PBA record na 54,589 fans.
Nag-ambag si Jamie Malonzo ng 22 markers at may 18, 14, 12 at 10 points sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Christian Standhardinger at LA Tenorio, ayon sa pagkakasunod.
“Sobrang sarap kasi alam naman natin talaga na lahat ng Ginebra fans inaabangan ito,” sabi ng Best Player of the Conference na si Thompson. “Isa ito sa pinakamagandang championship namin.”
Ang triple ni Brownlee ang nagbigay sa Gin Kings ng 25-12 bentahe sa first quarter bago nakalapit ang Dragons sa 25-27 mula sa basket ni 7-foot-5 Liu Chuanxing sa pagsisimula ng second period.
Bumida sina Brownlee, Malonzo at Standhardinger sa inihulog na 18-7 bomba para sa 45-32 bentahe ng Ginebra bago iwanan ang Bay Area sa halftime, 61-39, mula sa putback slam dunk ni Aguilar sa halftime.
Ipinoste ng Gin Kings ang 28-point lead, 75-47, buhat sa layup ni Malonzo sa 8:26 minuto ng third canto na naputol ng Dragons sa 93-106 galing sa split ni Hayden Blankey sa huling 3:44 minuto ng laro.
Ang ratsada nina Brownlee, Standhardinger at Thompson ang muling naglayo sa Ginebra sa 113-93 sa nalalabing 1:59 minuto.
Pinamunuan ni American import Myles Powell ang Bay Area sa kanyang 29 points.
- Latest