SLP series papalo ngayon sa Davao

MANILA, Philippines— Aarangkada ngayong araw ang Mindanao Swim Series 1-Davao Del Sur Cup sa Davao del Sur Sports Complex swimming pool sa Matti, Digos City.

Masisilayan ang matinding salpukan ng mahigit 350 tankers na nagnanais makahirit ng tiket sa mga internatio­nal tourney na lalahukan ng Swim League Philippines.

Sinabi ni SLP president Fred Ancheta na bukas ang pintuan ng asosasyon sa lahat ng mga nagnanais lumahok para maging bahagi ng national team.

Ilan sa pinaghahandaan ng SLP ang SEA Games.

Kumpirmado na ang partisipasyon ng 20 teams na galing sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nakataya rin ang tiket para sa Summer World University Games o Universiade gayundin sa Middle East Open sa Hulyo sa Dubai, at sa Bangkok Invitational Swimming Championship sa Marso sa Bangkok, Thailand.

Matapos ang Series 1, aariba ang Mindanao Series 2-Zamboanga Swim Cup sa Hunyo 17-18 sa Zam­boanga City, gayundin ang Visayas Series 1 sa Tagbilaran City sa Marso 18-19 at ang Visayas Series 2 sa St. John Institute sa Bacolod City sa Abril 29-30.

“Excited kami na makita ang mga talented swimmers sa Mindanao na ilalaban natin sa international competitions. For sure, marami sa kanila ang magku-qualify,” ani Ancheta.

Show comments