Munzon dinala sa NorthPort

Joshua Munzon

MANILA, Philippines — Mula sa isang three-on-three trade ay nauwi sa one-on-one swap ang kasunduan ng Terrafirma at NorthPort.

Inaprubahan kahapon ng PBA Office ang pagdadala ng Dyip kay Fil-American guard Joshua Munzon sa kampo ng Batang Pier para makuha si veteran forward Kevin Ferrer.

Naglista si Munzon ng mga averages na 8.7 points, 3.1 rebounds at 1.4 assists sa kampanya ng Terrafirma sa PBA Commissioner’s Cup kung saan sila maagang napatalsik sa eliminasyon.

Inaasahang gagaang ang trabaho ni scoring guard Robert Bolick sa pagdating ng 6-foot-1 na si Munzon sa NorthPort.

Si Munzon ang ikatlong No. 1 overall pick sa nakaraang apat na taon na ibinigay ng Dyip matapos ang mga draft rights kina Christian Standhardinger (2017) at CJ Perez (2018).

Sa orihinal na trade proposal ay dadalhin ng Terrafirma sina Munzon at rookie guard Javi Gomez de Liaño sa NorthPort kapalit nina Ferrer, Jesper Ayaay at isang future second-round pick.

Pero binago ng PBA Office ang nasabing trade ng dalawang koponan.

Nadakma na ng Batang Pier si Allyn Bulanadi matapos ang trade sa Converge FiberXers kapalit ni Jerrick Balanza.

Ipinasa naman ng NorthPort si Bulanadi sa San Miguel para makuha si Paul Zamar at isang second round draft pick.

Show comments