MANILA, Philippines — Magbabakbakan ang pinakamahuhusay na swimmers sa bansa sa paglarga ng Mindanao Swim Series 1-Davao Del Sur Cup sa Enero 14 hanggang 15 sa Davao del Sur Sports Complex swimming pool sa Matti, Digos City.
Layunin ng Swim League Philippines na makatuklas ng mga talentong isasabak sa mga international tournaments kabilang na ang Southeast Asian Games at ilan pang malalaking torneong lalahukan ng asosasyon.
Mahigit 350 tankers na ang kumpirmadong lalahok na galing pa sa 20 probinsiyang dumayo pa sa Davao City para makahirit ng tiket sa national team na binubuo ng SLP.
“We’re happy and proud to our Mindanaoan brothers who always supporting our grassroots program. Kasama kami sa panawagan na pagkakaisa para maisulong ang tunay na reporma sa swimming at sa pamamagitan ng mga torneo na ito, mapapatunayan natin na we value our young talents in Mindanao,” ani SLP president Fred Ancheta.
Maliban sa SEA Games, puntirya ng SLP na bumuo ng solidong koponan na ilalaban sa Summer World University Games o Universiade sa layuning makasungkit ng gintong medalya sa naturang torneo.
Aarangkada rin ang SLP sa Middle East Open sa Hulyo sa Dubai, at sa Bangkok Invitational Swimming Championship sa Marso sa Bangkok, Thailand.
“Kami na ang lalapit sa ating mga kapatid sa mga probinsiya para mabigyan natin sila ng pagkakataon na hindi na nila kailangang pang gumastos ng pamasahe papuntang Manila,” dagdag ni Ancheta.