MANILA, Philippines — Hinugot ng Akari Chargers sina opposite hitter Eli Soyud at libero Bang Pineda para sa 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) na nakatakdang magsimula sa Pebrero.
Magandang homecoming ito para kina Soyud at Pineda na parehong dating miyembro ng Adamson University Lady Falcons sa UAAP women’s volleyball tournament.
Ang Akari ay isa sa mga sumusuporta sa Lady Falcons.
“As a long-time supporter of the Adamson volleyball program, we are happy to sign both Bang and Eli to the Chargers. It just goes to show the alagang Akari. We take care of our Lady Falcons, and if the opportunity arises, we will definitely have more of them in the lineup in the future,” ani Akari Sports Director Russell Balbacal.
Galing si Soyud sa PLDT Home Fibr kung saan naging bahagi ito ng High Speed Hitters sa nakalipas na taon.
Si Pineda naman ay dating miyembro ng Petro Gazz Angels na nagkampeon sa PVL Reinforced Conferenc noong nakaraang taon.
Maliban sa Gazz Angels, nakapaglaro na rin ito para sa Cagayan Valley Rising Suns, Kia, Petron Blaze Spikers, Generika Lifesavers, United VC, Choco Mucho at Sta. Lucia.
Umaasa ang pamunuan ng Chargers na malaki ang mai-aambag nina Soyud at Pineda sa kampanya ng kanilang tropa.
Nagtapos ang Chargers sa ikapitong puwesto sa nakalipas na PVL Reinforced Conference kung saan naging import ng koponan si three-time Olympian Prisilla Rivera.