Jerusalem

May bago tayong world champion sa boxing.

Siya si Melvin Jerusalem. Sa pangalan pa lang, maganda ang patutunguhan.

Kinuha ni Jerusalem ang WBO minimumweight (105 pounds) title mula sa Japanese champion na si Masataka Taniguchi nung Jan. 6.

Dumayo si Jerusalem at ang kanyang team na pinangungunahan ni JC Manangquil ng Sanman Promotions sa Osaka, Japan.

Akala siguro ni Taniguchi, pipitsugin si Jerusalem. Nagpa-easy-easy kaya nung tinamanan ng right straight sa baba, bagsak.

Nagmadali tumayo si Taniguchi pero sumubsob ang mukha sa sahig. Tumayo pa rin pero gumewang.

Daig pa ang uminom ng dalawang kwatro-kantos.

Finally, may world champion tayo ulit matapos malagas isa-isa ang dati nating mga kampeon gaya ni Manny Pacquiao, Nonito Donaire, Jerwin Ancajas, Mark Magsayo at Donnie Nietes.

May isa pang champion si Boss JC. Si Dave Apolinario na hawak ang IBO flyweight title. Dehins lang nga sikat ang IBO kumpara sa WBC, WBA, WBO at IBF. Pero world champion pa rin.

Kaya maganda ang simula ng 2023 para sa Sanman Promotions ng General Santos City.

Hindi ako sure kung may rematch clause ang laban ni Jerusalem at Taniguchi. Dahil yung Hapon ang champion, malamang meron.

 Matuloy man, iilagan na ni Taniguchi ang kanan ni Jerusalem.

May phobia na siya.

Show comments