MANILA, Philippines — Itinalaga ng PLDT Home Fibr si veteran mentor Rald Ricafort bilang bagong head coach ng High Speed Hitters sa 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL).
Pormal nang inihayag kahapon ng pamunuan ng High Speed Hitters ang pagpasok ni Ricafort para hawakan ang volleyball program ng koponan.
Malalim ang karanasan ni Ricafort na apat na taon na namalagi sa Petro Gazz.
Tinulungan pa nito ang Gazz Angels para masikwat ang korona sa 2022 PVL Reinforced Conference noong Disyembre.
Hawak din ni Ricafort ang University of the Philippines men’s volleyball team habang assistant coach ito sa UP women’s volleyball team.
“We at PLDT are excited to work with a young champion coach in Coach Rald. We know he can guide our players to the next level. We are always looking to improve and get the best out of our team,” ani PLDT/SMART Head of Sports Jude Turcuato.
Nagpasalamat si Ricafort sa tiwalang ibinigay sa kanya ng High Speed Hitters.
“I’m very grateful to Petro Gazz sa four years we spent there dahil natulungan nila kami to be the coach that we are today,” ani Ricafort.
Kasama ni Ricafort si Arnold Laniog bilang assistant coach.
Pinalitan ni Ricafort si dating head coach George Pascua na nagsilbing mentor ng High Speed Hitters noong 2022 season.
“Sa binanggit sa akin ng PLDT na they want to have a youth movement beginning with the coach, yun din nakita ko na direction na dapat itakbo ng career ko. Tinake ko siya as the perfect opportunity to have a new environment,” dagdag ni Ricafort.
Si Laniog ang head coach ng College of Saint Benilde men’s volleyball team na nagkampeon noong NCAA Season 92.
Kasama si Laniog nang magkampeon naman ang Petro Gazz noong 2019 Reinforced Conference habang hawak din nito ang De La Salle University Green Spikers.