James mabe-break ang record ni Abdul-Jabbar
CHARLOTTE, N.C.— Nasa target si LeBron James sa pagsira sa career scoring mark ni NBA great Kareem Abdul-Jabbar.
Humataw si James ng 43 points para sa kanyang 500 agwat sa NBA record at igiya ang Los Angeles Lakers sa 121-115 pagdaig sa Hornets.
Nagsalpak si James ng dalawang dunks mula sa alley-oops, kasama ang isang high-flying, reverse windmill slam galing sa assist ni Dennis Schroder, para sa kanyang career total na 37,903 points sa ilalim ng record na 38,387 points ni Abdul-Jabbar.
Nag-ambag si Thomas Bryant ng 18 points at 15 rebounds habang may tig-15 markers sina Austin Reaves at Schroder para sa Lakers (16-21).
Umiskor si Terry Rozier ng 27 points sa panig ng Hornets na naipatalo ang 13 sa huli nilang 16 games at may 18 markers si LaMelo Ball.
Isang 14-0 atake ang ginawa ng Lakers sa pagbubukas ng second quarter para sa 15-point halftime lead kasunod ang ratsada ni James sa third period para ibaon ang Hornets sa 24-point deficit.
Sa New York, humataw si Kyrie Irving ng 27 points sa 139-103 pagdomina ng Brooklyn Nets (25-12) sa San Antonio Spurs (12-25) para sa kanilang ika-12 sunod na arangkada.
Sa Cleveland, nagposte si Donovan Mitchell ng record na 71 points para kumpletuhin ang pagbangon ng Cavaliers (24-14) mula sa 21-point deficit at talunin ang Chicago Bulls (16-21) sa overtime, 145-134.
Sa Philadelphia, nag-lista si Joel Embiid ng 42 points at 11 rebounds at may 27 markers si James Harden sa 120-111 panalo ng 76ers (22-14) sa New Orleans Pelicans (23-14).
- Latest