Nets sumakay sa 10-sunod na ratsada

Dinepensahan ni Aaron Holiday ng Atlanta Hawks si Brooklyn Nets’ playmaker Kyrie Irving.
STAR / File

ATLANTA, Philippines — Iniskor ni Kyrie Irving ang 15 sa kanyang 28 points sa fourth quarter, habang nagposte si Kevin Durant ng 26 points at season-high na 16 rebounds para pamunuan ang Brooklyn Nets sa 108-107 pag-eskapo sa Hawks.

Ito ang ika-10 sunod na arangkada ng Brooklyn para sa kanilang 23-12 record kasama ang pagwawagi sa 14 sa huli nilang 15 laro.

Naglaro naman ang Atlanta (17-18) na wala sina leading scorer Trae Young, leading rebounder Clint Capela at starting forward De’Andre Hunter.

Tumipa si Dejounte Murray ng 24 points at may 21 markers si John Collins para sa Hawks na iniwanan ng Nets sa 93-82 mula sa inihagis na 17-3 bomba.

Sa San Francisco, kumamada si Jordan Poole ng 26 points para akayin ang nagdedepensang Golden State Warriors (18-18) sa 112-107 pagsapaw sa Utah Jazz (19-18).

Sa Chicago, nagpasabog si DeMar DeRozan ng 42 points at bumangon ang Bulls (15-19) mula sa isang 15-point deficit sa fourth quarter para talunin si Giannis Antetokounmpo at ang Milwaukee Bucks (22-12) via overtime, 119-113.

Sa Sacramento, kumonekta ni Malik Monk ng 33 points, kasama ang tiebreaking free throw sa huling 0.7 segundo, para igiya ang Kings (18-15) sa 127-126 pagtakas sa Denver Nuggets (22-12).

Sa Detroit, umiskor si Allen Burks ng 32 points para sa 121-101 panalo ng Pistons (9-28) laban sa bisitang Orlando Magic (13-23).

Sa New Orleans, nagsalansan si Zion Williamson ng career-high na 43 points sa 119-118 pagdaig ng Pelicans (22-12) sa Minnesota Timberwolves (16-19).

Sa Miami, tumipa si Jimmy Butler ng 27 points, habang nagposte si Bam Adebayo ng 23 points at 14 rebounds sa 112-98 pagtusta ng Heat (18-17) sa Los Angeles Lakers (14-21).

Sa Washington, dinuplika ni Rui Hachimura ang kanyang career high na 30 points sa 127-102 pagmasaker ng Wizards (15-21) sa Phoenix Suns (20-16).

Show comments