MANILA, Philippines — Babanderahan ni dating NBA star Nick Young ang Philippine representative na Strong Group Realty team para sa 32nd Dubai International Championship.
Ito ang inihayag kahapon ng Strong Group ukol sa paglalaro ng 11-year NBA veteran at one-time champion sa kanilang koponan.
Nauna nang nagparamdam si Young, ang No. 16 overall pick ng Washington Wizards noong 2007 NBA Draft, sa mga Filipino fans sa pamamagitan ng kanyang tweet ang pagkampanya niya sa Strong Group.
“Pba are y’all ready for swaggy Philippines lets make it happen,” pahayag ng 37-anyos na si Young sa kanyang mga fans sa isang social media post.
Ang Strong Group, pagmamay-ari ni graduating Ateneo guard at incoming Converge assistant team manager Jacob Lao, ang papalit sa Mighty Sports bilang kinatawan ng Pilipinas sa Dubai Cup.
Pinagharian ng Mighty Sports team ang huling edisyon ng torneo noong 2020 kasunod ang pandemya.
Naglaro para sa nasabing koponan sina dating PBA import Renaldo Balkman at Gilas Pilipinas naturalized center Andray Blatche kasama sina Mikey Williams, Jamie Malonzo at Thirdy Ravena.
Muling kinuha ng Strong Group si dating Mighty Sports coach at St. Benilde Blazers’ mentor Charles Tiu.