Gusto nang tapusin ng Gin Kings

MANILA, Philippines — Gagawin ng Barangay Ginebra ang lahat para tuluyan nang sibakin ang Magnolia sa kanilang best-of-five semifinals series papasok sa 2022 PBA Commissioner’s Cup Finals.
Hawak ang 2-1 bentahe sa serye, lalabanan ng Gin Kings ang Hotshots sa Game Four ngayong alas-3 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa alas-5:45 ng hapon ay asam din ng guest team na Bay Area Dragons ang championship spot sa kabila ng 96-98 kabiguan sa San Miguel Beermen sa Game Three.
“We’ll try to go out and see what we can do in Game 4,” wika ni Ginebra coach Tim Cone matapos ang kanilang 103-80 paggupo sa Magnolia sa Game Three noong Linggo. “We gonna try our best putting all eggs in a basket and go at it in Game 4.”
Sinamantala ng Gin Kings ang limitadong playing time ni combo guard Paul Lee para sa Hotshots.
“I think we have enough time to recover and makapag-prepare kami nang maayos,” ani Lee na nagsalpak ng buzzer-beating shot sa 96-95 paglusot ng Magnolia sa Ginebra sa Game Two para itabla ang serye sa 1-1.
“Basta tumama lang iyong game plan na gagawin namin.”
Bagama’t isang panalo na lang ang kailangan ng Gin Kings para umusad sa PBA Finals ay inaasahang pipigilan sila ng Hotshots para makahirit ng Game Five sa Biyernes.
“It’s hard to close out a series, but we’ll try our very best to do it,” pag-amin ni Ginebra veteran guard LA Tenorio.
- Latest