Arriba Letran!
3-peat nakumpleto
MANILA, Philippines — Inilampaso ng defending champion Colegio de San Juan de Letran ang College of Saint Benilde, 81-67 demolisyon sa Game 3 upang matamis na angkinin ang three-peat sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Hindi naging problema para sa Knights ang pagkawala ni Fran Yu matapos dominahin ng Intramuros-based squad ang buong panahon ng laro para masiguro ang kampeonato.
Naging matikas na sandalan ng Letran si graduating player King Caralipio na humataw ng 20 puntos, 10 rebounds at dalawang assists habang nakatuwang nito si Brent Paraiso na nagtala ng 16 markers, tatlong rebounds, dalawang blocks at isang steal.
“Last laro na namin, last laro ko na kaya ibinuhos ko na yung best ko. Ibinigay ko yung 101 percent ko para makuha itong championship,” ani Caralipio.
Itinanghal na Finals Most Valuable Player (MVP) si Caralipio na nagtala ng averages na 15 puntos, walong rebounds at dalawang assists sa serye.
“Simula nung natapos yung Game 2, nag-usap usap kami na dapat sa Game 3 magtulung-tulong kami walang sisihan, dapat mag-contribute lahat,” dagdag ni Caralipio.
Nagsumite naman si Kobe Monje ng career-high 11 points.
Nais ni Caralipio na ibahagi ang kanilang tagumpay sa buong komunidad ng Letran at sa teammate nitong si Yu na hindi nakapaglaro sa Game 3 dahil napatawan ng isang larong suspensiyon.
“Nakakaiyak, lahat ng sakripisyo namin nagbunga na. Para ito sa lahat ng sumusuporta sa amin. Sa Letran community at kay Fran Yu,” ani Caralipio.
Bigo ang Blazers na masikwat ang korona para magkasya sa runner-up trophy.
Nanguna sa hanay ng Benilde si Miguel Corteza na may 14 puntos samantalang nagpako naman sina Season MVP Will Gozum at James Pasturan ng tig-10 markers.
Amoy na ng Letran ang kampeonato matapos maitarak ang 70-54 kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong kanto.
Sinubukang pumalag ng Blazers sa fourth quarter subalit bigo ito sa ilang pagtatangka sa huling minuto ng laro para tuluyang makuha ng Knights ang korona.
- Latest