Letran aapela sa suspensyon ni Fran

Fran Yu
NCAA / GMA

MANILA, Philippines — Aapela ang nagdede­pen­sang Colegio de San Juan de Letran upang ma­kapaglaro si key player Fran Yu sa deciding Game Three ng NCAA Season 98 men’s basketball best-of-three championship se­ries laban sa College of Saint Benilde.

Na-eject si Yu sa Game Two ng serye noong Linggo dahilan para awtomatiko siyang patawan ng isang la­rong suspensiyon.

Ngunit umaasa ang pa­munuan ng Letran na ma­pagbibigyan ang kahilingan nila na maalis ang suspensiyon ni Yu at makapaglaro sa Game Three.

“Hopefully ma-lift iyong suspension. May appeal ka­mi,” ani Letran assistant coach Jarren Jarencio sa kanyang pagbisita sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.

Matatandaang siniko ni Yu si Mark Sangco ng Benilde dahilan para bigyan siya ng disqualifying foul.

Nanalo ang Blazers sa Game Two para maipu­wer­sa ang rubber match na lalaruin sa Linggo sa Yna­res Sports Center sa An­tipolo City.

Gayunpaman ay nag­hahanda pa rin ang Knights na maglaro nang wala si Yu.

“Kahapon nag-adjust na kami sa practice. Nag-meeting na kami kung sino ang papalit kay Fran sa rotation sa offense at sa de­fense. Pero mas-okay kung makakabalik siya,” ani Jarencio.

Matapos ang Game Two ay naniniwala si Jarencio, ang anak ni NorthPort coach Pido Jarencio, na na­sa kamay na ng Blazers ang momento.

“Ang maganda lang is one week ang break. Ma­pipigil ang momentum. Ganoon din ang nangyari sa amin after winning Game One,” ani Jarencio.

Show comments