MANILA, Philippines — Papagitna ang Philippine National Figure Skating Championships sa Disyembre 19 at 20 sa SM Megamall Ice Skating Rink na magtatampok sa mga pinakamahuhusay na local skaters.
Inorganisa ng Philippine Skating Union (PSU) katuwang ang Milo, ang nasabing event ay hindi lamang magdedetermina sa hihiranging national champions kundi magbibigay din sa mga atleta ng pagkakataong itala ang kanilang personal best score.
Bagama’t isang tropical country, ipinakita ng mga Pinoy ang kanilang husay sa yelo sa pangunguna nina international figure skating champions Michael Christian Martinez, Sofia Frank at ang tambalan nina Isabella Gamez at Alexander Korovin.
Samantala, sa bisperas ng Disyembre 21 ay isasalang ang Christmas ice show na Carols on Ice sa SM Mall of Asia Skating Rink na inorganisa katambal ang SM Skating.
Hangad ng event na makalikom ng pondo para suportahan ang Philippine skating.
Magpapakitang-gilas sina Sparkle GMA celebrity skaters Ashley Ortega at Skye Chua at ang Olympian na si Martinez.