Diaz muling gumawa ng kasaysayan
MANILA, Philippines — Muli na namang sumulat ng kasaysayan si Pinay weightlifter Hidilyn Diaz matapos sa nakaraang Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Bumuhat si Diaz ng 93 kilograms sa snatch at 114 kilograms sa clean and jerk para sa total lift na 207 kilograms upang walisin ang tatlong gold medals sa women’s 55 kilogram division ng 2022 World Weightlifting Championships sa Bogota, Colombia.
Tinalo ni Diaz sina Rosalba Morales (199 kgs) ng Colombia at Ana Gabriela Lopez (198 kgs) ng Mexico.
Ang 31-anyos na tubong Zamboanga City ang kauna-unahang Pinoy na nagwagi ng ginto sa world championships.
Nakuntento lamang si Diaz sa tansong medalya sa nasabing world meet noong 2015 sa Houston, noong 2017 sa Anaheim at noong 2019 sa Pattaya, Thailand.
“We’ve kicked off our Paris 2024 Journey with a decent start and ended our year with 3 Gold medals in the Snatch/CJ/Total, going 93/114/207,” ani Julius Naranjo, ang husband/trainer ni Diaz. “Not our best showing but a historical one being the First Filipina to win a World Championships.”
Nauna nang binuhat ni Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng Pinas nang magreyna sa Tokyo Games at hangad makalaro sa 2024 edisyon sa Paris, France.
Ang Bogota competition ay bahagi ng qualification process para makasali si Diaz sa 2024 Paris Olympics.
Kumolekta na rin siya ng mga ginto sa nakaraang Asian Games (2018), Asian Championships (2015) at Southeast Asian Games (2019 at 2022).
Naniniwala rin si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na tama ang preparasyon ni Diaz para sa pagkuwalipika sa 2024 Paris Games.
“With the help of sports community and Hidilyn’s effort, truly her talent is uniquely a force to be reckoned with,” ani Tolentino. “We firmly believe that our preparation for the Paris Olympics is timely.”
Nangako ang POC chief at Tagaytay City Representative ng solidong suporta kay Diaz para sa mga Olympic qualifications na sasalihan pa ng lady weightlifter.
- Latest