SLP, COPA magkatuwang sa swim program

Nagkamay sina Swim League Philippines (SLP) president Fred Ancheta at COPA Board member Chito Rivera sa TOPS ‘Usapang Sports’.
STAR/File

MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang Swim League Philippines (SLP) at Congress in Philippine Aquatics, Inc. (COPA) upang mas lalong palakasin ang swimming sa bansa.

Ito ang inihayag ni CO­PA Board member Chito Rivera kung saan nais nitong makatulong para magkaroon ng solidong programa para sa mga Pinoy tankers.

Hangad ni Rivera na mabigyan ng tsansa ang mga bagitong swimmers na makapagpartisipa sa mga high-level international competition.

“Tapos na ang mga ba­ngayan na ‘yan. Wala ng pilian ng kulay at pagkakawatak-watak. I suggest, magkaroon ng swimming Summit para lahat mapa­kinggan at mabigyan ng pansin. Wala dapat maiwan lalo’t iisa lang naman ang gusto nating mangyari sa swimming. Let’s be sincere. Let’s step forward going to one direction,” wika ni Rivera.

Isa si Rivera sa mga bumuo sa COPA kasama sina Richard Luna, Darren Evangelista at Olympian at nahalal na Congressman ng Batangas 1st District na si Eric Buhain.

Ito rin ang pananaw ni SLP president Fred Ancheta kung saan handa ang asosasyon na maging maayos ang lahat sa loob ng swimming community.

“Mula nang mabuo ang SLP sa gabay ng namayapang Susan Papa at ng aming chairman na si Joan Mojdeh, nakatuon kami sa grassroots development program. Yung pulitika, hahayaan po namin yan sa mas nakakaunawa sa mga sitwasyon. Susuportahan namin ang mga pagkilos para maisulong ang pagbabago, ngunit hindi kami bibitiw sa adhikain naming maitaas ang kalidad ng swimming sa grassroots level,” sambit ni Ancheta.

Marami nang napa­lakas ang SLP gaya nina World Junior Championship semifinalist at National junior record holder Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh, Amina Bungubung, Hugh Parto, Yohan Cabana at Marcus DeKam.

Show comments