MANILA, Philippines — Lumapit ang reigning champion Colegio de San Juan de Letran sa inaasam na three-peat matapos pataubin ang College of Saint Benilde, 81-75, sa Game 1 ng NCAA Season 98 men’s basketball best-of-three championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Naging matatag na sandalan ng Knights ang mga veteran players nito para makuha ang panalo.
“Again, yung composure ng mga veterans, yun yung ginamit namin which is yung experience. Ang sa akin lang, sinabi lang namin na we will not win if we will outscore lang yung Benilde. We have to focus and correct our defensive rules,” ani Letran head coach Bonnie Tan.
Mainit si Mark Louie Sangalang na humataw ng double-double na 24 points, 10 rebounds, dalawang assists, isang steal at isang block para tulungan ang Knights na makuha ang 1-0 bentahe sa serye.
Malakas din ang suporta ni King Caralipio na naglista ng 16 markers, dalawang assists at isang steal habang nagdagdag naman ng 13 puntos, apat na boards, tatlong assists at isang block si Kurt Reyson.
Nasayang ang pinagsikapang 18 puntos at 11 boards ni MVP candidate Will Gozum para sa Blazers gayundin ang 18 markers, dalawang boards at isang assist ni Miguel Corteza.
Hindi rin napakinabangan ang pinagsamang 19 markers nina Mark Sangco at Rob Nayve.
Dikdikan ang laban kung saan parehong may 38 rebounds ang Letran at Benilde.
Tabla rin ang dalawang tropa sa steals (6-6) habang nakaungos lang ng isa ang Blazers sa blocks (3-2).
Lamang ang Benilde sa assists subalit nakagawa ito ng 18 turnovers kumpara sa 14 ng Letran.
Susubukan ng Knights na maipormalisa ang pagkopo sa ikatlong sunod na korona sa paglarga ng Game 2 sa Linggo sa parehong venue.