MANILA, Philippines — Bumangon ang Ateneo De Manila University mula sa 18-point deficit para agawin ang 71-65 panalo sa Far Eastern University sa second round ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humakot si reigning Most Valuable Player Ange Kouame ng 20 points, 14 rebounds, 3 assists at 1 block para akayin ang Blue Eagles sa 8-3 record at sikwatin ang playoff para sa Final Four seat.
Nag-ambag si Forthsky Padrigao ng 13 markers kasama ang dalawang free throws sa huling 14.2 segundo para sa kanilang 69-65 abante.
“I feel very blessed and I thank the Lord that we got the win in the end,” ani coach Tab Baldwin. “That takes us a little bit closer to where we want to go.”
Humataw si Xyrus Torres ng 19 points tampok ang limang triples sa pagbandera sa Tamaraws na may 4-8 marka kasama ang tatlong dikit na kabiguan.
Kinuha ng FEU ang 54-36 abante sa 5:20 minuto ng third quarter bago kumamada ang Ateneo ng 20-1 atake patungo sa 56-55 abante sa 8:34 minuto ng fourth period.
Samantala, pormal nang sinambot ng National University ang ikalawang semis ticket matapos patalsikin ang University of Santo Tomas, 67-57.
Umiskor si Jhon Lloyd Clemente ng 19 points para sa 9-3 kartada ng Bulldogs kasabay ng pagpapalasap sa Growling Tigers ng ika-10 dikit na kabiguan sa 11 laro.