MANILA, Philippines — Nilangoy nina Nicole Queen Diamante at Pauline Obebe ang kani-kanilang ikaapat na gintong medalya para tanghaling Most Outstanding Swimmers (MOS) sa pagtatapos ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Reunion Challenge National Finals kahapon sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.
Wagi ang 11-anyos na si Diamante ng RSS Dolphins Swim Team sa girls’ 11-yrs old Individual Medley sa itinalang 3:09.99.
Nagreyna naman ang 12-anyos na si Obebe ng Aquanights swim club sa parehong event sa tiyempong 2:51.27 .
Sa kanilang mga performance sa nakalipas na tatlong legs ng Reunion Series ay kinilala sina Diamante at Obebe bilang MOS awardees sa torneong inihandog ng Manlalangoy ng Pilipinas at suportado ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Noli Eala, Speedo at Milo.
Sina Diamante at Obebe ay bahagi ng National Capital Region (NCR) swimming team na lalahok sa PSC Batang Pinoy National Finals sa Disyembre 17-25 sa Vigan, Ilocos Norte.