Gazz Angels pasok sa semis
MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng defending champion Petro Gazz ang Philippine Army, 25-13, 25-12, 25-19, upang masiguro ang tiket sa Final Four kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Smart Araneta Coliseum.
Wala nang sinayang na sandali ang Gazz Angels nang ilatag nito ang pinakamalakas na puwersa para makuha ang ikalimang panalo para umangat sa 5-2 marka.
Nanguna sa ratsada ng Gazz Angels si import Lindsey Vander Weide na humataw ng 20 puntos mula sa 14 attacks, apat na blocks at dalawang aces.
Nagrehistro naman si opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas ng 12 markers habang gumawa sina MJ Phillips at Myla Pablo ng pinagsamang 19 hits.
“Good thing na nakuha namin in three sets at nakuha namin yung objective namin coming into this game. Sana magtuluy-tuloy hanggang sa semis,” ani Petro Gazz head coach Rald Ricafort.
Nagbaon ng 42 attacks ang Gazz Angels laban sa 25 hits lamang ng Lady Troopers.
Maliban sa solidong opensa, naging matatag na sandalan ng Gazz Angels ang net defense nito matapos umiskor ng 15 blocks.
Tinapos ng Lady Troopers ang kampanya nito nang walang panalo sa walong laro.
Tanging si import Laura Condotta lamang ang nagtala ng double digits para sa Army matapos magtala ng 12 puntos, pitong digs at anim na receptions.
- Latest