Amores sibak na sa JRU team
MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinanggal ng Jose Rizal University si John Amores sa men’s basketball team matapos ang gulong kinasangkutan nito kamakailan sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament.
Sa isang statement, inilatag ng pamunuan ng JRU ang desisyon nito kung saan hindi na pahihintulutan pa si Amores na makapagpartisipa sa anumang sports program ng unibersidad.
“After a thorough evaluation, the board is convinced that additional sanctions should be imposed against him as part of the internal processes on discipline observed by the school,” ayon sa statement ng JRU.
Kanselado na rin ang mga pribilehiyo ni Amores bilang student-athlete kabilang na ang scholarship.
Pinatawan din ito ng community service bilang bahagi ng kanyang parusa.
Bumuo na ang JRU ng programa na binubuo ng mga medical specialists sa sports mental health and wellness para tutukan ang mga student-athletes nito.
Matatandaang nag-amok si Amores sa laban ng JRU at College of Saint Benilde kung saan apat na players ng Blazers ang sinuntok nito.
- Latest