Gilas tutok na sa Saudi
MANILA, Philippines— Sesentro na ang atensiyon ng Gilas Pilipinas sa pagsagupa sa Saudi Arabia ngayong gabi sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Maghaharap ang Pilipinas at Saudi Arabia sa alas-7 ng gabi (alas-12 ng madaling-araw sa Maynila) kung saan target ng Gilas Pilipinas na walisin ang dalawang misyon nito sa Middle East.
Una na nitong pinataob ang Jordan sa pamamagitan ng 74-66 panalo noong Biyernes para umangat ang rekord ng Pilipinas sa 4-3 marka.
Umaasa ang Gilas na muli itong maglalatag ng solidong laro gaya ng ginawa nito sa Jordan.
Pangunahing naging armas ng Pinoy cagers ang solidong depensa na siyang naging daan para masawata ang Jordan partikular na ang main player nitong si naturalized Dar Tucker.
Kaya naman masayang tumulak patungong Saudi Arabia ang Gilas.
“We just had fun. It was just selfless basketball. No one really cared who scored,” ani Kai Sotto na siyang naging top scorer ng GiIas kontra sa Jordan.
Umaasa ang Pinoy squad na mauulit nito ang 84-46 demolisyon nito sa Saudi Arabia noong Agosto 29 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Malaking bagay sa amin ‘tong panalo na ito coming to Saudi, at least yung confidence namin mataas. Syempre home court nila, so sana mas mahigitan pa namin yung energy namin sa Saudi kasi malaking bagay din yun for us,” ani reigning PBA MVP Scottie Thompson.
Subalit mataas din ang moral ng Saudi na galing sa impresibong 85-54 pagbomba sa India noon ding Biyernes.
- Latest