Sa pagsagupa sa Jordan sa 5th window ng qualifiers
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Gilas Pilipinas para sa kanilang bakbakan ng host Jordan sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers bukas ng gabi sa Prince Hamza sa Amman, Jordan.
Nakatakda ang salpukan ng Pilipinas at Jordan sa alas-7 ng gabi (alas-12 ng hatinggabi sa Maynila).
Kumpleto na ang Gilas Pilipinas sa Amman kung saan sumalang kaagad sila sa ensayo para matiyak na handa sila bago sumabak sa laban.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas sina Kai Sotto ng Adelaide 36ers, reigning PBA MVP Scottie Thompson kasama sina Ginebra teammates Japeth Aguilar at Jamie Malonzo at San Miguel standout CJ Perez.
Hahataw rin sina Japan B.League imports Bobby Ray Parks, Thirdy Ravena at Dwight Ramos gayundin sina naturalized player Angelo Kouame ng Ateneo, Kevin Quiambao ng La Salle at sina RR Pogoy, Calvin Oftana at Poy Erram ng TNT Tropang Giga.
Parehong may 3-3 record ang Pilipinas at Jordan.
Nagmula ang Gilas Pilipinas sa 84-46 panalo laban sa Saudi Arabia sa fourth window ng qualifiers noong Agosto 29 na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kasama noon sa lineup si NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz.
Sa kabilang banda, galing naman ang Jordan sa 72-100 pagyuko sa New Zealand sa labang ginanap sa Auckland, New Zealand noon ring Agosto 29.
Mangunguna sa panig ng Jordan sina Amin Abu Hawwas at Dar Tucker na top scorers ng kanilang tropa sa huling laro.
Gumawa si Hawwas ng 19 points, 2 rebounds, 3 assists at 2 steals kontra sa New Zealand.
Nagparamdam rin si Tucker na may double-double na 19 points at 12 boards para sa Jordan.
Makakatuwang ng dalawa sina Haskem Abbas, Zaid Abbas at Ahmad Alhamarsheh para pigilan ang atake ng Gilas squad.
Matapos ang Jordan ay sunod na makakasagupa ng mga Pinoy cagers ang Saudi Arabia sa Nobyembre 13 (Nobyembre 14 ng madaling araw sa Maynila) sa Saudi Arabia.