John Amores ng JRU suspendido sa NCAA matapos mag-amok
MANILA, Philippines — Haharap sa "indefinite suspension" ang JRU Heavy Bombers player na si John Amores matapos uminit ang ulo at magpakawala ng haymakers laban sa mga manlalaro ng Benilde Blazers sa NCCA basketball game nitong Martes.
Ito ang kinumpirma ng NCAA Management Committee, Miyerkules, matapos maging talk-of-the-town ang naturang engkwentrong ikinaospital ng ilang players ng College of Saint Benilde. Natapos ang laro pabor sa CSB (71-51) matapos biglaang itigil.
"We opted to use the term 'indefinite suspension' to give a little bit of window, give him a chance, not totally closing out the door for him to still habe a bright future in his career as a player," ani Fr. Vic Calvo, NCAA Management Committee representative ng Colegio de San Juan de Letran, sa ulat ng GMA News.
Maliban sa parusa ni Amores, suspendido naman ng dalawang laro sina Mark Sangco at Chris Flores ng CSB matapos "makisama" sa suntukan at kaguluhan.
Suspended din ng dalawang laro ang mga manlalaro ng JRU na sina William Sy at Ryan Arenal dahil sa "disrespectful acts."
Banned naman para sa isang laro sina Ladis Lepalam ng CSB at mga manlalaro ng JRU na sina Jason Tan, Joshua Guiab, Marwin Dionisio, Jonathan Medina, Karl de Jesus at CJ Gonzales dahil sa pagpasok ng court.
Kanina lang nang sabihin ni Benilde head coach Charles Tiu na pinaghahandaan ng pamilya ng isa sa kanyang mga manlalaro ang posibleng paghahain ng kaso.
Una nang sinampahan ng criminal complaint si Amores matapos din niyang suntukin ang isang 18-anyos na recruit ng UP Men's Basketball Team na si Mark Belmonte matapos makaharap ng JRU nitong Hulyo. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Joey Villar
- Latest