Yulo kumana ng 2 medalya sa World Championships
MANILA, Philippines — Hindi uuwing luhaan si Tokyo Olympics veteran Carlos Edriel Yulo matapos makasikwat ng isang pilak at isang tanso sa prestihiyosong 2022 FIG World Artistic Gymnastics Championships na ginanap sa Liverpool Arena sa Liverpool, England.
Bigo man na madepensahan ang kanyang korona sa men’s vault event, nasiguro naman nito ang pilak na medalya matapos magtala ng 14.950 puntos.
Nasiguro ni Armenian Artur Devtyan ang gintong medalya sa naitala nitong 15.050 points habang napasakamay ni Ukrainian Igor Radivilov ang tanso tangan ang 14.733 points.
Sumiguro rin si Yulo ng tansong medalya sa parallel bars kung saan umiskor ito ng 15.366 puntos mula sa 6.300 points sa difficulty at 9.066 sa execution.
Nanguna sa naturang event si Zou Jingyan ng China na may 16.166 points habang pumangalawa si Lukas Dauser ng Germany na nagtala naman ng 15.500 points.
Bigo si Yulo na makakuha ng medalya sa floor exercise at all-around event.
Ang kanyang isang pilak at isang tansong output sa edisyong ito ng world meet ay mas mababa kumpara sa kanyang isang ginto at isang pilak na output noong 2021.
Gayunpaman, nagpapasalamat si Yulo sa lahat ng sumuporta sa kanyang laban.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa akin. May mga times na hindi mo talaga ma-execute sa floor yung mga ginagawa mo sa practice. Pero wala talaga akong magagawa ganun talaga,” ani Yulo.
Masaya si Yulo na nagawa nitong makipagsabayan sa mga Olympians na mga posibleng makalaban nito sa 2024 Paris Olympcs.
“Masaya ako na nakalaban ko yung mga Olympians. I was surprised that I got to compete against them. In a way, it’s really good that I got to experience this competition,” ani yulo.
Maraming natutunan si Yulo sa taong ito na inaasahang magagamit nito sa kanyang mga susunod na laban sa World Championships lalo na sa Paris Olympics kung saan pangarap nitong makasungkit ng medalya.
- Latest