MILWAUKEE - Nagposte si Giannis Antetokounmpo ng 31 points at tumapos si guard Jrue Holiday na may 25 points, 10 assists at 7 rebounds sa 110-108 pag-eskapo ng Bucks sa Detroit Pistons.
Nagdagdag si center Brook Lopez ng 24 points para sa Milwaukee (6-0) na tanging koponan sa NBA na wala pang talo.
Humataw si Cade Cunningham ng 27 points kasunod ang 23 markers ni Bojan Bogdanovic para sa Pistons (2-6) na nauna nang tinalo ang defending champion Golden State Warriors.
Bumangon ang Detroit mula sa 16-point deficit para makatabla sa 105-105 galing sa basket ni Isaiah Stewart sa huling 57.6 segundo ng fourth period.
Ang dalawang free throws naman ni Lopez sa natitirang 1.5 segundo ang sumelyo sa panalo ng Bucks.
Sa Salt Lake City, nagsumite si Lauri Markkanen ng 31 points at 10 rebounds sa 121-105 pagdomina ng Utah Jazz sa Memphis Grizzlies.
Kumonekta ang Utah ng 19 three-pointers para sa kanilang ikalawang sunod na pagdaig sa Memphis, may 4-3 baraha, sa nakaraang tatlong araw.
Kinuha ng Memphis ang first period, 26-23, bago naagaw ng Utah ang 54-38 abante bago ang halftime mula sa four-point play ni Fil-Am Jordan Clarkson.
Sa New York, nagsalpak si Kevin Durant ng 36 points para banderahan ang Brooklyn Nets sa 116-109 pananaig sa Indiana Pacers.
Sa Washington, naglista si James Harden ng 23 points at 17 assists sa 118-111 paggupo ng Philadelphia 76ers sa Wizards.
Sa Los Angeles, isinalpak ni Paul George ang isang go-ahead jumper sa huling anim na segundo at tumapos na may 35 points sa 95-93 pagtakas ng Clippers sa Houston Rockets.