MANILA, Philippines — Hangad ng San Beda University na mapatatag ang kapit sa No. 3 spot sa pagharap nito sa Arellano University sa pagbabalik-aksyon ng NCAA Season 98 men’s basketball tournament ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Red Lions at Chiefs sa alas-12 ng tanghali habang maghaharap naman ang Mapua University at Jose Rizal University sa alas-3 ng hapon.
Nais ng Red Lions na maulit ang kanilang 96-61 demolisyon sa Chiefs sa first round.
Galing ang San Beda sa 72-64 panalo sa Emilio Aguinaldo College noong nakaraang linggo para masolo ang ikatlong puwesto bitbit ang 7-4 baraha.
Dahil dito, may tsansa pa ang Red Lions na makuha ang twice-to-beat bonus sa semis.
Nasa unahan ng standings ang defending champion Colegio de San Juan de Letran (10-3) kabuntot ang College of Saint Benilde na may 9-2 marka.
Sesentro muna ang atensiyon ng San Beda sa laban nito sa Arellano.
Gigil ang Chiefs na makakuha ng mga importanteng panalo para mapaganda ang 5-6 rekord nito.
Wala nang puwang ang anumang pagkakamali para sa Arellano kung nais nitong makapasok sa Final Four.