MANILA, Philippines — Nakatakdang dumating ngayong araw ang mga Japan B.League players para makasama ang Gilas Pilipinas squad sa ensayo bilang paghahanda sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ito ay sina Kiefer at Thridy Ravena, Dwight Ramos at Bobby Ray Parks Jr. na tinapos muna ang laro sa kani-kanilang teams bago tumulak pa-Maynila.
Masaya si Gilas Pilipinas head coch Chot Reyes na halos kumpleto na ang team bagama’t wala pa rin si Kai Sotto na kasalukuyang nasa Australia.
Nasa ensayo sina naturalized player Angelo Kouame ng Ateneo de Manila University, reigning PBA Most Valuable Player Scottie Thompson, Japeth Aguilar at Jamie Malonzo ng Barangay Ginebra.
Kasama rin sa Gilas pool sina Calvin Oftana, Roger Pogoy at Poy Erram ng TNT Tropang Giga, CJ Perez ng San Miguel, Arvin Tolentino at William Navarro ng NorthPort at Chris Newsome ng Meralco.
Nasa lineup rin sina collegiate stars Carl Tamayo ng University of the Philippines at Kevin Quiambao ng De La Salle University gayundin si dating Ateneo high school standout Francis Lopez.
Inaasahang papangalanan ang Final 12 isang araw bago ang laban ng Gilas Pilipinas.