PH-Killerwhale humirit ng 1 silver at 1 bronze sa Dubai meet
MANILA, Philippines — Humirit pa ang Team Philippines-Killerwhale ng isang pilak at isang tansong medalya sa ikalawang araw ng 2022 Hamilton Aquatics Short Course Swimming Championships na ginanap sa Hamdan Bin Mohammed Bin Rashid Sports Complex sa Dubai, United Arab Emirates.
Matapos mabigong makasikwat ng medalya sa opening day ay bumawi si Master Charles Janda ng Centro Escolar Integrated School Malolos sa kinuha niyang silver.
Tila nakabalik na sa porma si Janda nang magtala ng bilis na 32.06 segundo para angkinin ang ikalawang puwesto sa boys’ 13-year 50-meter backstroke.
Walang pahinga si Janda dahil mula sa kanyang flight galing sa Maynila ay kaagad siyang dumiretso sa venue para sumalang sa bakbakan sa opening day.
Bigong makasikwat ng medalya si Janda sa unang araw, ngunit rumesbak kaagad sa ikalawang araw ng kumpetisyon para makahirit ng podium finish.
Nakasungkit naman ng kanyang ikalawang medalya si David Gillego ng Holy Trinity School of Padre Garcia makaraang makasikwat ng tanso sa boys’ 12-year 50m backstroke sa bendisyon ng naitalang 38.11 segundo.
Una nang nakakuha ng bronze si Gillego sa boys’ 50m butterfly (34.35 segundo).
“We are so proud of these young swimmers for fighting hard just to give honor to our country. It was really a neck and neck battle against strong teams here in Hamilton meet,” wika ni delegation head Marilet Basa na kasama sa delegasyon sina head coach Bryan Estipona at assistant coach CK De Luna.
Sa opening day, bukod kay Gillego ay nakapagbusa rin ng tig-isang tansong medalya sina St. Joseph College of Novaliches standouts Andrae Samontanes at Louis Lim sa kanya-kanyang events.
Tumersera si Samontanes sa boys’ 13-year 200m butterfly (2:35.15) gayundin si Lim sa boys’ 12-year 100m breaststroke (1:37.71).
- Latest