MANILA, Philippines — Puntirya ng San Beda na makabalik sa porma sa pagsagupa sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng Red Lions ang Generals ngayong alas-3 ng hapon matapos ang laro ng Perpetual Help Altas at Mapua Cardinals sa alas-12 ng tanghali.
Lumagapak sa No. 5 spot ang San Beda matapos lumasap ng 72-75 overtime loss sa Perpetual Help noong Sabado.
Kaya naman gigil ang Red Lions na muling makabalik sa porma para mapatatag ang tsansang makapasok sa Final Four.
Aasahan ng San Beda sina Peter Alfaro at JB Bahio na umiskor ng tig-14 points sa kanilang huling laro at si Yukien Andrada na may 13 markers.
Kailangang mag-ingat ng San Beda lalo pa’t mainit rin ang EAC na sinorpresa ang nangungunang College of Saint Benilde noong nakaraang Linggo.
Nasa ilalim ang Generals sa standings.