SLP-Killerwhale sisisid ng ginto sa Dubai
MANILA, Philippines — Makapag-uwi ng medalya.
Ito ang pakay ng Team Philippines Killerwhale sa pagsabak nito bukas sa 2022 Hamilton Aquatics Short Course Swimming Championships sa Hamdan Bin Mohammed Bin Rashid Sports Complex sa Dubai, United Arab Emirates.
Aminado si delegation head Marilet Basa na matinding laban ang haharapin ng kanyang bataan lalo pa’t nagkumpirma ng partisipasyon ang malalakas na teams sa rehiyon.
Kaya naman pukpukan sa paghahanda ang Pinoy tankers para masiguro na lalaban ito para makasikwat ng medalya sa naturang torneo.
“Our modest goal is to win medals of any color. We are not pressuring our swimmers to deliver. We want them to enjoy the competition, meet new friends and learn from their foreign counterparts,” ani Basa.
Ipaparada ng SLP- Killerwhale ang 10 bagitong tankers sa pangunguna ni Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout Julia Ysabelle Basa na beterano na ng mga international competitions.
“We would like to extend our gratitude to coach Francis Segui of Francis Sport Academy for helping us especially with our training at the Egyptian Club swimming pool,” ani head coach Bryan Estipona.
Sasabak si Basa sa walong events sa girls’ 15-year category.
Kasama nito si Master Charles Janda ng Centro Escolar Integrated School Malolos na sasalang sa limang events sa boys’ 13-year division.
Pare-parehong may pitong events sina Andrae Kenzie Samontanes (boys’ 13-year), Louis Lim (boys’ 12-year), David Gillego (boys’ 12-year) at Jarold Camique (boys’ 14-year).
Anim na events naman kina Hannah Mikaela Lim (girls’ 14-year) at Kathryn Leigh Kier (girls’ 10-year) habang may limang events sina Wynn Robles (boys’ 14-year) at tatlo si Patricia Celine De Chavez (girls’ 17-year).
- Latest