Macandili, Stalzer bumida sa Movers
MANILA, Philippines — Kinailangan pa ng F2 Logistics ang pagbabalik sa aksyon ni libero Dawn Macandili para itala ang kanilang unang panalo sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Sa likod nina Macandili at American import Lindsay Stalzer ay pinabagsak ng Cargo Movers ang UAI Army Lady Troopers, 25-17, 25-21, 25-16, kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagmula ang F2 Logistics sa 0-2 panimula sa torneo.
Ito naman ang ikatlong sunod na kamalasan ng Army.
Nagposte si Stalzer ng 24 points at 10 receptions, habang walang kapaguran naman si Macandili sa kabuuan ng laro.
Tumipa si Macandili ng 56.52% efficiency sa kanyang 13-of-23 digs.
Ayon kay coach Benson Bocboc, hindi pa ipinapakita ng Cargo Movers ang kanilang tunay na potensyal sa panalo sa Lady Topers.
“Medyo pigil pa iyong galaw. Marami pa ring lapses,” obserbasyon ni Bocboc. “Hindi ko masasabi kung ilan, pero marami.”
Ngunit dinomina ng F2 Logistics ang mga departmento ng laro kontra sa Army.
Nagtala ang Cargo Movers ng 51 attacks kumpara sa 25 ng Lady Troopers bukod sa 8 blocks at 2 aces.
Nagdagdag sina Kim Dy at Kalei Mau ng tig-8 markers.
Kumolekta naman si Jovelyn Gonzaga ng 7 points para sa Army.
- Latest