Magandang birthday gift ng FiberXers kay Ayo

Aldin Ayo.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Isa itong magandang regalo para sa ika-45 ka­arawan ni Converge coach Aldin Ayo.

Humakot si import Quincy Miller ng 27 points, 16 rebounds, 5 assists at 5 steals para akayin ang FiberXers sa 106-99 pagdaig sa Meralco Bolts sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nag-ambag si Mave­rick Ahanmisi ng 21 mar­kers kasama ang limang triples para sa ikalawang panalo ng Converge sa apat na laban at inilaglag ang Meralco sa 1-3 kartada.

“Of course, it feels good especially coming from two consecutive losses,” sabi ni Ayo. “The way we won today showed our cha­racter. We lost our 20-point lead but we were able to recover.”

Ang tinutukoy ni Ayo ay ang 68-48 halftime lead ng FiberXers na binura ng Bolts para agawin ang 91-90 abante mula sa triple ni Bong Quinto sa 7:30 minuto ng fourth quarter.

Ngunit sinandalan ng Converge sina Ahanmisi at Miller para muling mapa­sakamay ang 99-97 kalamangan kontra sa Meralco sa huling 1:38 minuto ng bakbakan.

Ang tres ni Ahanmisi at dalawang free throws ni Miller ang naglayo sa FiberXers sa 104-97 sa natitirang 21.1 segundo ng laro.

“We know how important this game was co­ming off from two losses in a row,” ani Ahanmisi. “It shows our character and our composure down the stretch.”

Iniskor ni import Johnny O’Bryant ang 22 sa kanyang 27 points sa second half para pangunahan ang pagbalikwas ng Meralco mula sa 35-57 pagkakabaon sa second period.

Show comments