Jose Rizal pinigilan ang misyon ng Lyceum
MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng Jose Rizal University nang isama ang Lyceum of the Philippines University sa kanilang mga nabiktima, 63-57, kahapon sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagpasabog si Marwin Dionisio ng 15 points at 10 rebounds para sa 5-2 record ng ang Heavy Bombers.
Nagdagdag sina William Sy at John Amores ng pinagsamang 18 markers para sa Jose Rizal.
Natapos naman ang arangkada ng Pirates na bigong sumosyo sa liderato matapos mahulog sa 5-2 kartada.
Nagtala si JM Bravo ng 11 points at may 9 at tig-7 markers sina James Barba, McLaude Guadana at Alvin Penafiel, ayon sa pagkakasunod, para sa Pirates.
Sa unang laro, pinulutan ng San Beda Red Lions ang Arellano Chiefs, 96-61.
Humataw sina JB Bahio at James Kwekuteye ng tig-13 points para sa 5-2 baraha ng Red Lions.
Nakabangon ang San Beda mula sa naunang 80-83 kabiguan sa Jose Rizal Heavy Bombers sa kanilang huling laro.
“It was really a humbling experience. I can say naging overconfident tapos we didn’t respect our opponent,” ani Red Lions’ rookie coach Yuri Escueta.
Bumagsak naman ang marka ng Chiefs sa 4-4.
Umiskor si Darrel Menina ng 10 points para sa Arellano.
- Latest