Valdez excited na sa pagbabalik ng PVL
MANILA, Philippines — Excited na si Creamline team captain Alyssa Valdez na muling masilayan sa aksyon sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na papalo bukas sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Matapos ang Invitational Conference, hindi nakapaglaro si Valdez sa dalawang international stints ng Cool Smashers matapos tamaan ng dengue.
Wala si Valdez nang tumapos sa ikaanim na puwesto ang Cool Smashers sa AVC Cup na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakasama si Valdez sa Cool Smashers team na sumabak sa Asean Grand Prix sa Nakhon Ratchasima, Thailand subalit hindi ito naglaro.
Kaya naman masaya si Valdez na muli itong masisilayan sa aksyon.
“I’m just really grateful to be back on the court with these girls. Not having played with the girls actually I was very very sad kasi nga we were looking forward to representing our country,” ani Valdez.
Pukpukan na ang ensayo ng Cool Smashers.
Kinuha ng Creamline bilang import si Turkish spiker Yeliz Basa na may malalim na karanasan sa international play.
Naglaro na ito para sa NEC Red Rockets sa Japan at sa Nakhon Ratchasima team sa Thailand habang bahagi ito ng Bodrumspor team sa Turkey.
Target ng Creamline na makumpleto ang matamis na Grand Slam sa season na ito matapos pagreynahan ang Open Conference at Invitational Conference ng liga.
- Latest