MANILA, Philippines — Pinabagsak ng College of Saint Benilde ang Mapua University sa pamamagitan ng 73-64 desisyon upang masolo ang liderato sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Miguel Cortez at Miguel Oczon para buhatin ang Blazers sa ikaanim na panalo sa pitong laro upang upuan ang No. 1 spot sa torneo at maiwan sa ikalawa ang walang larong Lyceum Pirates na may 5-1 kartada.
Humataw si Cortez ng 17 points at naglista si Oczon ng 14 markers, 8 rebounds at 2 steals.
Sa kabila ng panalo ay hindi naging masaya si St. Benilde head coach Charles Tiu.
“I’m very disappointed. They don’t respect the game, they don’t play the right way, hindi kami maka-pull away,” wika ni Tiu sa kanyang mga Blazers.
Nagsalpak ng dalawang sunod na tres sina Oczon at JC Cullar para sa 65-53 bentahe ng St. Benilde sa huling apat na minuto ng laro.
Huling nakalapit ang Mapua sa 62-69 agwat.
Wala pa ring panalo ang Cardinals sa walong laro para manatili sa ilalim ng team standings.
Tumipa si Adrian Nocum ng 15 points at humakot si Warren Bonifacio ng 14 points at 11 boards.
Sa ikalawang laro, pinulutan ng nagdedepensang Letran Knights ang San Sebastian Stags, 77-69.
Ito ang ikaapat na panalo ng Knights sa pitong laro, habang nalasap ng Stags ang pang-apat na kabiguan sa anim na asignatura.