MANILA, Philippines — Nalusutan ng nagdedepensang University of the Philippines ang Adamson University via 87-78 overtime para manatili sa itaas ng team standings sa UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nasawata ng Fighting Maroons ang tangka ng Soaring Falcons sa extra period para makuha ang ikalawang sunod na panalo.
Umiskor si Zavier Lucero ng 15 points mula sa 6-of-11 field goal shooting bukod sa 7 rebounds at 4 assists para sa UP, habang nagsumite si Malick Diouf ng 13 markers, 12 boards, 4 assists, 4 blocks at 3 steals.
Nagrehistro naman si Terrence Fortea ng 12 points at may nagawang 11 points si Gilas Pilipinas standout Carl Tamayo.
Bumandera para sa Adamson si Jerom Lastimosa na bumanat ng 25 points, 6 boards at 6 assists na hindi sapat para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Nahulog ang Soaring Falcons sa 0-2 marka.
Sa unang laro, ginulantang ng University of the East ang Far Eastern University, 76-66, upang tuldukan ang kanilang 15-game losing skid.
Ito ang unang panalo ng Red Warriors sa liga sapul noong Oktubre 30, 2019 kung saan tinalo nila ang National University Bulldogs, 79-77.
Umangat ang UE sa 1-1 marka, habang nalaglag naman ang FEU sa 0-2 kartada.
“Mayroon lang kaming lapses down the stretch but still the bottom line is the game plan was followed. I thank my boys, especially si Kyle (Paranada),” ani Red Warriors’ coach Jack Santiago.
Nagtala si Kyle Paranada ng 25 points mula sa 9-of-17 shooting para manduhan ang opensa ng UE.
Nasayang naman ang ang kinamadang 15 points ni Patrick Sleat at ang 10 markers ni Cholo Añonuevo para sa FEU.