MANILA, Philippines — Pakay ng defending champion Colegio de San Juan de Letran na makisalo sa liderato sa pagharap nito sa San Beda University sa pagpapatuloy ng NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magkukrus ang landas ng Knights at Red Lions sa alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng Mapua University at Jose Rizal University sa alas-12 ng tanghali.
Sariwa pa ang Knights sa 67-62 panalo laban sa Cardinals noong Martes.
Ngunit haharap ang Letran sa San Beda na bangas ang lineup matapos patawan ng isang larong suspensiyon sina Brent Paraiso at Louie Sangalang dahil sa mga nagawa nito sa kanilang laro laban sa Mapua.
Dahil dito, sasandalan ng Knights sina Fran Yu at Paolo Javillonar habang kinakailangang mag-step up ng iba pang miyembro ng team para punan ang pagkawala nina Paraiso at Sangalang.
Kasalukuyang may 3-1 marka ang Letran para okupahan ang No. 3 spot sa likod ng nangungunang College of Saint Benilde at Lyceum of the Philippines University na may magkatulad na 4-1 kartada.
Sa kabilang banda, nasa three-way tie ang San Beda sa No. 5 kasama ang San Sebastian College-Recoletos at Jose Rizal na pare-parehong may 2-2 kartada.
Matagal-tagal ding napahinga ang Red Lions dahil huli itong nasilayan noong nakaraang linggo pa nang talunin nito ang Stags sa iskor na 78-71.
Tinukoy ni San Beda head coach Yuri Escueta na magandang aral ang panalo nito sa San Sebastian.
“Well, it’s good that we were able experience ‘yung mga ganyan game, kasi ‘yung first win namin sa EAC malaki lamang eh. So ngayon, nung lumaki lamang namin, medyo humabol,” ani Escueta.
Kakasa para sa San Beda si James Kwekuteye na bumanat ng 20 puntos sa kanilang huling laro.
Makakasama nito sina JB Bahio, Peter Alfaro at Winston Ynot.