MANILA, Philippines — Sasalang ang mga pinakamahuhusay na taekwondo jins sa collegiate level sa pagsipa ng 2022 SMART/MVP Sports Foundation National Inter-School Taekwondo Championships sa Oktubre 1-2 sa Ayala Malls, Manila Bay, Pasay City.
Inorganisa ng Philippine Taekwondo Association (PTA), ang torneo ay may dalawang kategorya - ang Novice at Advance - na may limang dibisyon sa ilalim ng Seniors, Juniors, Cadet, Grade School at Toddler na lalaruin nang hiwalay para sa mga lalaki at babaeng mga kalahok.
Kasama rin dito ang Poomsae na bukas para sa mga estudyanteng may kulay at blackbelt para sa Indibidwal, Pair at Team.
Nasa 2,000 estudyante mula sa mga paaralang kaanib ng PTA sa buong bansa ang lalahok sa pinakamalaking school-based tournament na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympics Committee (POC) at MILO.
Kabilang sa mga sasali sa two-day meet ay ang Ateneo de Manila University, University of Sto. Tomas, St. Paul Pasig, Diliman Preparatory School, Emilio Aguinaldo College, De La Salle University, University of the East, National University at University of the Philippines-Diliman.
Magsisimula ang kompetisyon sa alas-9 ng umaga. Ang mga mahihilig sa martial arts at sports aficionados ay iniimbitahang manood, lalo na ang mga bata na interesadong matuto ng sport.