MANILA, Philippines — Nahulog ang Pilipinas sa No. 41 puwesto sa pinakahuling world rankings na inilabas ng International Basketball Federation (FIBA).
Walong puwesto ang ibinaba ng Pilipinas matapos ang fourth window ng FIBA World Cup qualifiers sa iba’t ibang kontinente.
Nakaapekto ang 81-85 kabiguan ng Gilas Pilipinas sa Lebanon sa fourth window ng qualifiers na ginanap noong Agosto 25 sa Beirut, Lebanon.
Natalo rin ang Gilas Pilipinas sa New Zealand noong Pebrero 27 sa iskor na 63-88 at noong Hunyo 30 sa iskor na 60-106.
Malaki rin ang naging epekto ng ikasiyam na puwes-tong pagtatapos ng Gilas Pilipinas sa 2022 FIBA Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Bigo ang Pinoy squad na makapasok sa quarterfinals sa naturang torneo.
Dating hawak ng Pilipinas ang ika-33 puwesto sa world ranking. Subalit sumadsad ito sa 41.
Nasa ikawalo ang Pilipinas sa Asia-Pacific region kung saan nangunguna ang Australia kasunod ang Iran, New Zealand, China, South Korea at Japan.
Sa Southeast Asia, nasa unang puwesto ang Pilipinas kabuntot ang Indonesia, Thailand, Singapore, Malaysia at Vietnam.
Muling sasabak ang Gilas Pilipinas sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre.