Win No. 3 target ng Letran
MANILA, Philippines — Sasarguhin ng Colegio de San Juan de Letran ang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa nito sa Mapua University sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 men’s basketball tournament ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang salpukan ng Knights at Cardinals sa alas-3 ng hapon.
Magsisilbi itong rematch ng Season 97 finals kung saan tinalo ng Letran ang Mapua sa best-of-three championship series.
Subalit iba na ang season na ito dahil wala na sa lineup ng Knights si Rookie-MVP awardee Rhenz Abando na nagpasyang lumundag na sa professional basketball.
Wala na rin si Jeo Ambohot na nasa Converge na sa PBA.
Kaya naman malaki ang adjustments ng Knights para punan ang nabakanteng puwesto nina Abando at Ambohot.
Kasalukuyang may 2-1 rekord ang Letran para sa solong ikatlong puwesto sa ilalim ng College of Saint Benilde at Lyceum of the Philippines University na may parehong 3-1 kartada.
Sa kanilang huling laro, dinungisan ng Knights ang malinis na rekord ng Blazers sa pamamagitan ng 80-75 panalo.
Umaasa si Letran head coach Bonnie Tan na mas magiging solido ang laro ng kanyang bataan sa oras na makaharap nito ang Mapua.
“We expect a tough game again against Mapua, almost all of the games are crucial in the start of the season,” ani Letran head coach Bonnie Tan.
Sasandalan ng Letran sina Brent Paraiso at Fran Yu na naasahan ng husto ng kanilang tropa sa kanilang huling laro.
Sa kabilang banda, inaalat ang Cardinals na bagsak sa 1-3 marka.
- Latest