MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang Pinoy cagers na masisilayan sa aksyon sa 2022 season ng Japan B.League.
Sumama na sa listahan si Roosevelt Adams na hinugot ng Kagawa Five Arrows na naglalaro sa Division 2 ng Japan B.League.
Nais ni Adams na madala nito ang kanyang talento sa Japan upang matulungan ang Arrows sa kanilang kampanya sa B.League.
Nasilayan sa aksyon si Adams sa PBA.
Naging top overall pick ito noong 2019 PBA Annual Rookie Draft.
Hindi na ito pumirma pa ng bagong kontrata sa Terrafirma noong Enero kaya’t naging madali ang pakikipagnegosasyon nito sa Japan B.League team.
Malalim lalim na ang karanasan ni Adams na naglaro para sa College of Idaho sa kanyang collegiate years.
Sa PBA, naglaro ito para sa Terrafirma ng kabuuang 22 games.
Nagrehistro si Adams ng averages na 10.33 points sa 2020 Philippine Cup at 11.22 points sa 2021 Philippine Cup.
Apat na laro lamang itong nasilayan sa aksyon sa PBA Governors’ Cup dahil hindi na ito nagrenew pa ng kontrata noong Enero.
Kasama si Adams sa Gilas Pilipinas pool na nag-laro sa fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nasa Division 2 din sina Kobe Paras ng Altiri Chiba, Greg Slaughter ng Rizing Zephyr Fukuoka at Jordan Heading ng Nagasaki Velca.