MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Leg 1 champion na TNT Tropang Giga ang 2-0 sweep sa Pool A patungo sa knockout quarterfinals ng Leg 2 ng PBA 3x3 First Conference Season 2 kahapon sa Robinsons Place sa Novaliches.
Nilusutan nina Almond Vosotros, Ping Exciminiano, Samboy De Leon at Lervin Flores ng Tropang Giga ang Purefoods Titans, 22-21, bago talunin ang Cavitex, 17-13, para pamunuan ang Pool A.
Nagposte rin ng 2-0 sweep ang Meralco, Platinum Karaoke at baguhang J&T Express sa kani-kanilang grupo.
Kinuryente ng Bolts ang NorthPort Batang Pier, 16-15, at binasag ang San Miguel Beermen, 19-14, sa Pool B.
Tinakasan naman ng Platinum ang Barangay Ginebra, 20-18, at isinunod ang Pioneer Elastoseal Katibays, 16-14, para sa pagwalis sa Pool C.
Pasok din sa knockout stage ang J&T Express mula sa 17-13 pagdaig sa Terrafirma at 19-18 pagtakas sa Blackwater sa Pool D.