Pacquiao nagpaparamdam na!

Manny Pacquiao at dating sparring partner na si Jaber Zayani.
File Photo

Balik boxing na nga ba?

MANILA, Philippines — Isa pang exhibition fight ang niluluto ng kampo ni eight-division world champion Manny Pacquiao na target ganapin sa Enero sa susunod na taon sa Saudi Arabia.

Ito ang inihayag ni Pacquiao sa isang ulat kung saan makakaharap nito si dating sparring partner Jaber Zayani sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ngunit nilinaw ni Pacquiao na nagsisimula pa lamang ang usapan tungkol dito at wala pang pinal na napagkakasunduan para sa naturang exhibition match,

“We will just start discussions,” wika ni Pacquiao.

Dahil dito, usap-usapan na ang posibleng pagbabalik ni Pacquiao sa boksing matapos opisyal na mag­retiro dahil sa kanyang pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa National Elections noong Mayo.

Natalo si Pacquiao sa Presidential race na napagwagian ng kasalukuyang presidente na si Pangulong Bongbong Marcos.

Matapos ang eleksiyon, inihayag ni Pacquiao na sasabak ito sa isang exhibition laban kay South Korean YouTuber DK Yoo sa Disyembre 10 sa Seoul, South Korea.

Walang balak maliitin ni Pacquiao si Yoo dahil paghahandaan nito ang laban gaya ng kanyang mga regular na professional fights.

Abala si Pacquiao sa kanyang personal na buhay sa ngayon kasabay ng ilang workout at training sessions para mapanatili ang magandang kundisyon ng kanyang katawan.

“I will prepare in the same way I train for a real fight,” ani Pacquiao.

Ang exhibition match ay isang six-round bout.

Walang nakalaan na weight limit.

Aminado si Yoo na hindi biro kalaban ang isang world champion na gaya ni Pacquiao.

Kaya naman ilalabas nito ang lahat ng kanyang nalalaman sa martial arts para gulantangin ang Pinoy champion.

“I know I will not win against him but I will try my best to surprise Manny Pacquiao,” ani Yoo.

Huling nasilayan sa aksyon si Pacquiao noong Agosto ng nakaraang taon kung saan natalo ito kay Cuban fighter Yordenis Ugas via unanimous decision sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.

Show comments